Pabahay sa mga biktima ng Yolanda, substandard – Kamara, tiniyak na may dapat na managot dito
By RMN News Nationwide: The Sound Of The Nation
Sep. 2, 2017 at 9:47am
Manila, Philippines -Tiniyak ng House Committee on Housing and Urban Development na papanagutin ang mga nasa likod ng substandard na pabahay sa mga biktima noon ng super typhoon Yolanda.
Sa imbestigasyon ng komite, humarap ang subcontractor whistleblower na si Engr. Camilo Salazar at ibinulgar nito na tinipid ang mga gamit sa paggawa ng bahay ng mga Yolanda victims sa Balanginga, Eastern Samar.
Sinabi ni Salazar na gumamit ng bakal na 8 mm sa pagtatayo ng bahay sa halip na ang gamitin ay ang standard size na 10 mm na bakal.
Nangangamba si Committee Chairman Albee Benitez na ganito rin ang lagay ng pabahay sa ibang mga lalawigan na tinamaan ng kalamidad sa Eastern at Central Visayas noong 2013.
Giit nito, ito ay pera ng taumbayan kaya nararapat lamang na may maparusahan sa substandard housing.
Nangako ang kongresista na pagkatapos ng budget hearing ng Kamara ay iraratsada ang pagdinig upang mapanagot ang mga may sala.