DHSUD, legacy ng aking ama
Last updated Oct 15, 2018
By Albee Benitez
Bilang isang anak, isang malaking karangalan na maipagpatuloy ko ang iniwang legasiya ng aking ama na si Jolly Benitez, ang Deputy Minister ng Human Settlements simula noong 1970 hanggang 1980.
Ipinagmamalaki kong tatay ko si Jolly Benitez na idolo at tinitingala kong ehemplo. Mahirap gayahin at sundan ang kanyang nasimulan kaya sinisikap kong maipagpatuloy ang lahat ng kanyang napasimulan lalo na sa usaping pabahay na ilang dekada ng problema sa ating bansa.
Ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Act ang magpapatuloy ng legasiya ng aking ama.
Natutuwa akong ipaalam sa inyo na maisusulong na ang inaasam nating progreso na maisabatas ang DHSUD dahil matapos ang halos tatlong dekada ay napatibay na rin sa wakas ang Bicameral Report ng panukalang batas na ito.
Isa sa magiging bentahe nito ay hindi na magiging malalayo sa trabaho at oportunidad ang mga kababayan nating Pilipino.
Kapag naisakatuparan ang DHSUD, ang nakatiwangwang na lupa ng gobyerno sa siyudad ay magagamit na bilang abot-kayang pabahay.
Sa pamamagitan nito ay naniniwala po akong mabibigyang solusyon na ang lumalalang problema sa pabahay at urbanisasyon.
Tulad ng aking ama, naniniwala po ako na ang pagkakaroon ng sariling pabahay ang isa sa mga natatanging paraan upang matalo ang patuloy na paglaganap ng kahirapan.
Isa po ito sa mga nakikita nating paraan para tuluyang umasenso ang Pilipinas dahil ‘di ba, ang pagkakaroon ng sariling bahay ang ginagamit na basehan ng estado ng isang tao o pamilya?
Para po ito sa mga Pilipinong naghahangad ng DISENTE at ABOT-KAYANG tahanan. Unti-unti na po nating naabot ang ating pangarap.
Alam ko pong mahirap pantayan ang nagawa ng ating mga magulang pero sisikapin kong makasabay man lang.
Titiyakin ko pong maalagaan natin ang institusyon na ito para sa bawat Filipino na makamit ang simple nilang pangarap sa buhay – ang magkaroon ng sariling bahay na disente at abot-kaya ng ating mga bulsa.