Kaso vs contractor ng Yolanda housing sa Samar, ihihirit ng ilang kongresista
ABS-CBN News
Posted at Sep 26 2017 12:24 PM | Updated as of Sep 26 2017 12:25 PM
MANILA - Dapat sampahan ng kasong kriminal ang JC Tayag Builders, contractor ng 2,000 pabahay para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda, iginiit Martes ng ilang miyembro ng House Committee on Housing and Urban Development.
Una nang ibinulgar ng ilang whistleblower sa pagdinig ng Kamara na substandard umano ang mga materyales na ginamit ng JC Tayag Builders.
Sa isang press conference, ipinakita nina congressmen Albee Benitez, Ben Evardone at DV Savellano ang mga litratong nakuha sa site inspection ng mga pabahay.
Makikita anila rito na manipis ang mga bakal na ginamit sa mga bahay, taliwas sa sinabi ng contractor sa pagdinig na magagandang materyales ang ginamit.
Dahil dito, irerekomenda anila ng kanilang komite na kasuhan ng breach of contract, syndicated estafa at perjury ang contractor.
Nais din ungkatin ng komite kung may negligence of duty sa panig ng National Housing Authority dahil nakalagpas ang proyekto sa kanila.
Binubuo na ng komite ang ulat nito ukol sa substandard Yolanda housing units. Sasalang ang committee report sa plenaryo ng Kamara bago maaprubahan.
Mahigit 7,000 ang nasawi habang nasa 4 milyong bahay ang nasira nang bayuhin ni Yolanda ang Visayas noong 2013.